Saturday, November 17, 2018

Ano ang iyong mga karapatan sa ilalim ng Saligang Batas?


Nakapaloob sa bill of rights ng Saligang Batas ang mga karapatan ng bawat Pilipino.

Nakasaad dito na hindi maaaring kitilin ang buhay, kalayaan, o ari-arian ng sinuman nang hindi nabibigyan ng 'due process'.

Ibig sabihin, dapat dumaan sa tamang proseso ang sinumang nanganganib matanggalan ng mga proteksiyong ito. Kasama diyan ang mabigyan siya ng pagkakataong idepensa ang kaniyang sarili.

May karapatan din ang bawat mamamayan laban sa anumang search o pangangapkap at paghahaluglog nang walang search warrant.

Kapag kusang pinagbuksan ng pinto at pinapasok ang law enforcers gaya ng pulis at National Bureau of Investigation agents at pinahintulutang maghalughog, wala itong paglabag.

Pero ibang usapan na umano kapag nagpumilit pa ring pumasok ang mga opisyal kahit walang pahintulot na binigay ang may-ari ng bahay.

Ang the best para sa mga police to get a search warrant kung kailangang pumasok. Kailangang maging magalang [ang mga pulis] sa paghingi ng pahintulot sa mga maybahay. Kung ayaw papasukin, politely decline.

Know your rights. Talagang walang karapatan ang sinumang pumasok sa bahay mo nang walang pahintulot kahit nakabukas ang pinto mo.

Sa pag-a-apply naman ng arrest warrant, dapat itong katigan ng Korte kapag may basehan lamang.

Pinapahintulutan ang warrantless arrest kung ang aarestuhin ay kagagawa lang ng krimen, kasalukuyang gumagawa ng krimen, nagtatangkang gumawa ng krimen o isang pugante.

Maaari ding isagawa ang warrantless arrest kapag suspendido ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus. Pero para lang ito sa mga pinagdududahang sangkot sa rebelyon. Kailangang masampahan na ng kaso ang naaresto tatlong araw matapos itong mahuli.

Pinoprotektahan din ng Saligang Batas ang 'privacy of communication and correspondence'. Maaari lang itong panghimasukan kapag may utos ng Korte o sa mga pagkakataong nanganganib ang kaligtasan ng publiko.

May karapatan din ang bawat isa na ihayag ang sarili maliban na lang kung ito ay paninirang puri na.

Binibigyan din ng kalayaang mamahayag ang media, pati na ang mga mamamayan na magsagawa ng mapayapang pagtitipon para ihayag ang mga daing sa pamahalaan.

May karapatan ding manahimik at hindi maaaring puwersahing magsalita o umamin sa krimen ang sinumang iniimbestigahan dahil sa posibleng paglabag sa batas. May karapatan din ang inaakusahan na katawanin ng abogado.

Labag sa batas ang paggamit ng torture, puwersa, dahas, at anumang uri ng pananakot sa sinumang nakadetene.

Bawal din ang mga sikretong kulungan at detention facilities, pati na ang pagtago sa taong nakadetene.

Dapat ding ituring na inosente ang sinumang nasampahan ng kaso sa Korte maliban na lang kung nahatulan na itong may sala.

Karapatan din ng bawat mamamayan na sumailalim sa patas at mabilis na paglilitis kung saan may sapat siyang pagkakataon na ipagtanggol ang sarili.

Ang sinumang awtoridad na lalabag sa mga karapatang ito ay mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.

Ang sinumang mamamayan na pinagtatangkaang gawan ng mga nasabing paglabag sa batas ay maaaring maghayag ng pagtutol at agad tumawag ng abogado.

Payo ng legal experts, dapat alam ng mga sibilyan at awtoridad ang mga karapatang ito para na rin sa proteksyon at kapakanan ng bawat panig.

No comments: